PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s SPEECH
DURING THE YOUTH SUMMIT 2014
Smart Araneta Coliseum, Araneta Center Cubao, Quezon City
December 19, 2014
(applause) Maraming salamat po. Magandang umaga sa inyong lahat.
Pag tapos nag alita ni Joel hindi ko na alam kung anong sasabihin ko ngayon. Pero ililiwanag ko lang ho, sabi niya kilala niya ako noon pa, nagkasabay kami sa Kongreso. Ililiwanag ko lang po ha yung Kongreso po sa 12 at 13 tayo magkasama na Congress. Nasa 15 pa lang ho ngayon. Baka iba ho nag aakala Malolos Congress po yung pinuntahan namin. Baka si Joel lang andun. Ako di pa ho ako miyembro noon.
Syempre batiin natin muna ang ating Kagalang-galang na Director General ng TESDA na talagang napakasipag na kasangga, sa pag-aayos ng mga problema ng bansa, si Joel Villanueva; ating mga kasamahan sa Kongreso, (applause) si Kagalang-galang Chona Cruz Gonzales at si Sherwin Tugna; (applause) I’d like to also pay special mention to the management team of the Kristiyanong Kabataan para sa Bayan Youth Leaders; (applause) also to all of you delegates to the Youth Summit of 2014; honoured guests; (applause) felow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang umaga po sa inyong lahat. (applause)
Totoo po yung sinasabi ni Joel na kung paminsan minsan po may makatext tayo ng 2 or 3 in the morning. Maganda sana kung lovelife ang pinag- uusapan sa text, (laughter) pero kadalasan ho yung 2 at saka 3 o‘clock PAGASA po ang kausap ko may minomonitor na bagyo o kaya naman po ay nagrereport si Secretary Albert del Rosario—nasa Roma po siya ngayon para sa paghahanda sa pagbisita ng Papa. Eh kung minsan po nakakalimutan lang na may time difference sa Roma at saka sa Maynila pero okay lang ho iyon basta magawa natin ang ating trabaho. Yung tulog ho saka na natin sisingilin sa 2016, siguro pwede na tayo bumawi doon.
Nang makita ko po ang imbitasyon ni Secretary Joel na dumalo sa Youth Summit ngayong taon, syempre hindi na ako nagdalawang-isip na pumunta. Ang sabi ko nga po, bakit ko naman palalampasin ang pagkakataong makasama ang mga… (applause)—ito ho yung importante— makasama ang mga kapwa kong kabataan. (laughter/applause) Kaya nga lang ho yung huling beses ko dito sa Araneta, nanood ako ng concert eh na di hamak one fourth lang yata yung taong nandito dahil medyo… medyo— paano ba natin sasabihin—matagal na pong sikat na performer yun. Siguro mga limang dekada na yata sikat yun eh. Marami ho sa kanyang fans eh medyo nahirapan na hong tumungo dito.
Pero, sa mas seryosong bagay naman po: Para sa akin, ang tunay na sukatan kung nagtagumpay tayo sa ating mga minimithi ay kung naiwan nating di hamak na mas maganda ang kalagayan ng ating bansa kaysa sa dinatnan natin. Ang ibig kong sabihin, pagkatapos ng oras namin dito sa mundo, kung ang mga problema niyo ay katulad pa rin ng mga naging problema namin noon, malamang, nagkulang kaming mga mas nakatatanda ng bahagya sa inyo.
Nabuo ang paniniwala kong ito habang lumalaki sa isang panahong ibang-iba sa panahon natin ngayon. Alam niyo po, bagamat ako'y batang puso at itsura, (laughter/applause) marami na rin po tayong napagdaanan. Alam niyo grade school ako noong ibaba ang Martial Law, at talaga namang hindi matanaw ng henerasyon namin ang isang magandang bukas. Medyo mahirap po paniwalaan na may magandang bukas kaming hinaharap. Inabuso ng mga nasa puwesto ang kanilang kapangyarihan, at delikado ang magsalita laban sa pamahalaan. Noong araw, makatawid ka lang sa susunod na Pasko o umabot sa susunod na Pasko parang ang laki na ng naabot mo.
Kaya nga nang ipagkaloob sa atin ang tiwala ng taumbayan, ipinangako ko sa Diyos, sa ating mga kababayan, at sa aking sarili na ibubuhos ko ang lahat ng aking makakaya upang hindi na muling dumanas ng katulad na pagdurusa at kawalang-pag-asa ang mga Pilipino. (applause) Sa gabay po ng Poong Maykapal, at sa tulong ng mga indibidwal at institusyong matibay ang paniniwala sa ating pamamahala, masasabi kong matapos ang apat na taon at anim na buwan ay marami na tayong puwedeng ipagmalaki.
Ilang halimbawa lang po: May tinatawag na connector ng Manila North and Manila South Expressways, ipinangako po ito 1976 pa. Siguro, sa mga panahong iyon, baka nagde-date pa lang ang inyong mga magulang. Ngayon, sa wakas, pagkatapos ng ilang dekada, nakikita na ninyo ang construction ng Metro Manila Skyway Stage 3, (applause) na bahagi ng sistemang kokonekta sa SLEX at NLEX para kung kayo naman ay talagang lalaktaw papunta nga ho ng NLEX at SLEX hindi na kayo kailangan sumabak pa sa EDSA ng dagdag na dalawang oras sa inyong biyahe. Andyan din po ang rehabilitasyon ng NAIA Terminal 1, na ilang taong pinabayaan, ngayon, malapit na pong makumpleto. Ang malawakang kaunlaran at kapayapaan sa Mindanao, nasa abot-tanaw na rin po natin. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies sa mundo, binigyan tayo ng investment grade status. At kamakailan nga lang po na-upgrade na naman tayo ulit—21st time na raw po tayong ina-upgrade nitong mga credit ratings agencies. (applause) Dati po ang turing sa atin ay Sick Man of Asia, ngayon, nagpapakitang-gilas na tayo bilang Asia's Rising Tiger. (applause)
Habang patuloy nating isinusulong ang positibo at pangmatagalang transpormasyon ng lipunan, nagiging malinaw na malaki ang papel na ginagampanan ng kabataan sa pag-abot ng ating mga adhikain. Bilang mga tagapagmana ng ipinupunla nating pagbabago, di hamak na mas matagal ninyong matatamasa ang mga bunga ng ating pagsisikap. (applause) Pero sa kabilang banda naman, kung pipiliin niyong magwalang-bahala, mapepeste at masisira ang ating mga ipinunla at babalik tayo sa lumang kalakaran.
Ngayong panahon po cellphone, internet at iba pa, kung tutuusin ay napakadali na ng pag-uusap tungkol sa politika at pakikisangkot sa iba't ibang aspeto ng pamahalaan. Dati, kung may gusto kang ipahayag, kailangan mong makipagpulong nang patago, o kaya'y gumawa ng mensahe sa typewriter at ipakopya ito gamit ang mimeograph. Sabi niyo siguro, ano kaya yung mimeograph, at ano kaya yung typewriter. Pagkatapos, dumating ho ang mas mabilis na photocopying machine. Alam po niyo nung Martial Law pati yung mga photocopying supplies nireregister po yan dahil talagang kinikitil ang pagkuha natin ng impormasyon bilang mamamayan. Ngayon naman po, napakaraming impormasyon ang puwede nang ipasalin-salin sa iba't ibang computer gamit ang mga flash drive o kaya sa pamamagitan ng uploading sa internet.
Siyempre, nasasainyo kung paano ninyo gagamitin ang mga teknolohiyang ito. Huwag niyo sanang malimutan ang maging mapanuri: Hindi porke nakalagay sa internet ay totoo na agad; hindi porke viral o trending ay dapat nang pagkaabalahan. Kung puro pagse-selfie at pagpapalakas ng town sa Clash of Clans naman ang aatupagin, (laughter/applause) syempre talagang mage-game over ang mga pangarap natin.
Taos-puso po ako nagpapasalamat sa Jesus is Lord Movement at sa Kristiyanong Kabataan para sa Bayan sa ibinigay ninyong pagkakataong makaharap kayo. (applause) Kahanga-hanga talaga kayong mga naririto na nagsasama-sama upang higit na pagtibayin ang pananalig sa ating Panginoon, at mag-usap (applause) tungkol sa pakikiambag sa isinusulong nating agenda ng pagbabago. (applause)
Gawin na lang nating halimbawa ang inyong chairman na si kuya Secretary Joel Villanueva—(applause) tanggapin po natin na kapwa rin natin siyang kabataan—(laughter/applause) kung minsan po napagkakamalan na mas bata siya kaysa akin. (laughter) Sa kanyang Training for Work Scholarship Program sa TESDA—tignan niyo yung numero—672,258 na ang nakapagtapos at ngayon ay may higit nang pagkakataon para sa magandang bukas. (applause) Noong 2012 po, 68.5 percent ng mga graduate ang nagkaroon ng trabaho sa loob lamang ng humigit-kumulang anim na buwan, at patuloy naman tayo sa paghahanap ng oportunidad para sa natitira pa. (applause) Minana po ni Joel kasi ang placement rate lang ay 28 percent. So halos tatatlong ulit na po niya yung placement rate. At sa ibang sektor po umaabot na ng 96 percent ang kanyang accomplishment. Dito natin makikita na kapag pinili mong gawin ang tama, nakakapagbigay ka ng kakayahan sa iba na maging mas mahusay na tagapaglingkod ng Diyos, at kapakipakinabang na miyembro ng bansa. (applause)
Ang mahusay na trabaho ni Secretary Joel sa TESDA ay bahagi ng ating malawakang estratehiya ng pangangalaga at pamumuhunan sa mga kabataan. Halimbawa, meron din po tayong Abot-Alam Program, na sa pagtutulungan ng DepEd, DILG, at ng National Youth Commission ay nagmamapa ng mga out-of-school youth sa ating bansa. Sa ganitong paraan, nagiging mas sistematiko ang ating mga pagsisikap na mabigyan sila ng sapat na edukasyon, pagsasanay at oportunidad. Nitong Nobyembre lang, mahigit 300,000 out-of-school youth na ang nabigyan ng skills training o kaya na-enroll sa Alternative Learning System. (applause)
Ipinatutupad na rin natin ang K to 12 curriculum sa ating basic education system, para higit pang mapaunlad ang kaalaman at kakayahan ng ating mga estudyante. Ang hiling ko lang po: Huwag niyo sanang isipin na ang dagdag na taon ng pag-aaral ay dagdag na panahon para makahingi ng baon na panglaro ng—(applause) ito medyo bago ho sa akin—paglaro ng DOTA o kaya pambili ng cellphone load. Ang layunin natin: Mabigyan ng world-class na edukasyon ang kabataang Pilipino, upang makasabay sa mga pagbabagong nagaganap ngayon sa mundo. (applause)
Ilan lang yan sa mga inisyatiba at programang ipinatutupad natin mula sa paniniwalang ang kabataan ay isa sa pinakamalakas nating kakampi sa pagsusulong ng malawakan at pangmatagalang pagbabago. (applause) Tunay ngang malayo na ang ating narating, pero siyempre hindi pa rin tayo nakukuntento sa mga nagawa na natin.
Sa ating paghakbang po sa tuwid na daan, at bilang mga kapwa ko, ulit, na kabataan, meron akong paalala sa inyo: (applause) Hindi pa po tapos ang ating laban, at darating ang mga pagkakataong hindi magiging madali ang ating paghakbang. Sinasabi ko ito sa inyo upang bigyang diin ang kahulugan ng napili ninyong tema para sa taong ito: Ang maging fearless. (applause)
Tapusin na natin ang panahon kung saan ang kabataan ay kinakabahang makiambag sa pagbubuo ng maunlad na sambayanan. Kapag may naghahasik po ng pagdududa, buo ang loob nating ipagtanggol ang ating mga prinsipyo. Kapag may nagpakalat ng kasinungalingan, walang pag-aalinlangan nating ipamalita ang katotohanan. Kapag may humarang sa ating tuwid na landas, buong tapang tayong humakbang patungo sa katuparan ng ating mga kolektibong pangarap. (applause)
Malinaw po: Hangga't nagkakapit-bisig tayo, hangga't naninindigan tayo sa kung ano ang tama at ikabubuti ng nakararami, at hangga't matibay ang ating pananalig sa Diyos, wala tayong dapat ikatakot. (applause) Buong pagmamalaki nating masasabi: Tunay nga tayong mga fearless na tagapaglingkod ng Panginoong Hesukristo at tagapagtanggol ng Inang Bayan. (applause)
Hanggang dito na ho muna ako. Maraming salamat po sa inyong lahat. Maligayang Pasko po at isang mas Tahimik at Progresibong Bagong Taon. (long applause)
* * *
Dostları ilə paylaş: |