PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III’s OPENING STATEMENT
DURING A PRESS CONFERENCE ON GOVERNMENT’S MEASURE
REGARDING POSSIBLE TREAT OF EBOLA VIRUS DISEASE
PAF Officers’ Club near Kalayaan VIP Lounge
Villamor Airbase, Pasay City
November 7, 2014
11072014B
Please sit down.
Mga kasama pa natin kanina sa Guian; mga miyembro ng media; mga minamahal kong kababayan: Magandang hapon po sa inyong lahat.
Kakagaling lang nga po natin sa Guian, Eastern Samar kanina at dun po personal nating kinamusta ang mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Yolanda. Makalipas nga po ang isang taon nalulugod tayong makita ang mga pagbabago sa sitwasyon ng ating mga kababayan dun. Habang inaasikaso po natin ang rehabilitasyon ng mga sinalantang komunidad dahil sa Yolanda, hinaharap din natin ang panibagong mga hamon sa ating bansa.
Pag-usapan po natin ang Ebola Virus na disease malamang nabalitaan na po ninyo nagkaroon ng outbreak ng sakit na ito sa West Africa. Nitong Agosto, dineklara na rin ito ng World Health Organization bilang isang public health emergency of international concern. Mayron na rin pong naitalang mga kaso nito sa ilang mga bansa at bilang bahagi ng pandaigdigang komunidad, anuman ang mangyari sa ibang bahagi ng mundo maaaring maapektuhan din tayo.
Tandaan lang po natin mayron tayong tinatayang sampung milyong kababayang naghahanapbuhay at naninirahan sa ibat-ibang mga bansa. Obligasyon po ng estadong pangalagaan ang ating mga kababayan nasaan man silang panig ng daigdig.
Kaya nga po, bilang ambag ng ating bansa, magkakaloob tayo ng halagang di bababa sa isang milyong dolyar sa United Nations sa pagsisikap na maagapan ang pagkalat ng Ebola Virus Disease. Nang kumalat po ang Mers Corona Virus ngayong taon sa Gitnang Silangan at magkaroon ng banta nito sa ating bansa wala tayong inaksayang oras upang pagbutihin ang ating sistema sa pagtugon sakali man makapasok ang naturang virus sa Pilipinas.
Nilagdaan po natin, nabanggit na sa inyo, ang Executive Order No. 168 na bumuo ng task force upang tutukan ang suliranin sa pagkalat ng mga sakit na maaari magdulot ng panganib sa ating bansa. Maigting po tayong nakikipag-ugnayan sa World Health Organization ukol sa mga epektibong hakbang upang mapaghandaan at matugunan ang paglaganap ng mga nakakahawang sakit.
Isama ko na rin po na nakikipag-ugnayan din tayo sa Center for Disease Control sa Amerika base sa Atlanta para nga madagdagan ang ating kaalaman.
Inilalatag po natin ang epektibong paraan upang masubaybayan ang exposure ng mga kababayan natin sa mga sakit partikular na ang mga nasa ibang bansa upang mapauwi sila habang pinapangalagaan ang kanilang kalusugan at ang ating kababayan dito.
Kaya nang mabalitaan natin ang pagkalat ng Ebola Virus Disease sa Liberia nagpasya tayo pabalikin na ang ating 142 peacekeepers na nakadestino doon. Sila po ang mga kababayan nating pinadala sa ibang lugar upang makibalikat sa pagtataguyod ng kapayapaan. Bilang Commander-in-Chief at ama ng bansa, hindi po maatim na hayaan lang silang manatili sa lugar kung saan maaari silang mahawa ng nakakamatay na sakit. Hindi naman natin pwedeng sabihin sa kanila, maraming salamat sa serbisyo ninyo sa amin pero bahala na kayo sa buhay niyo dyan. Hindi ho maka Pilipino yan. Wala naman sigurong magsasabing hindi ko na problema yan, wala akong pakialam sa kanila.
Dahil anuman ang ating pananampalataya tinuruan po tayong magmalasakit at ituring na kapatid ang ating kapwa. Ang pagbabalik natin sa ating tropa mula sa Liberia ay bahagi lamang ng tungkulin ng estadong pangalagaan ang kapakanan ng mga nagmamalasakit sa bayan.
Humihingi tayo ng pang-unawa sa ating mga peacekeepers lalo na sa kanilang pamilya sa loob ng dalawamput isang araw—nabanggit na kanina po—hindi muna sila makakauwi sa sariling tahanan. Pagbabakasyunin muna natin sila sa isang isla kung saan maari silang mag relax at magpahinga. Bahagi ito ng itinakdang proseso ng inyong gobyerno upang siguruhing hindi lalaganap ang Ebola Virus sa bansa or makakapasok ang Ebola Virus sa bansa.
Linawin ko lang po: Hindi ibig sabihin na dahil nanggaling sila sa lugar na laganap ang Ebola taglay na rin nila ang virus. Kailangan lang po muna nating tiyaking ligtas na silang makihalubilo sa iba—quarantine po ang tawag nga dito.
Kanina po nagkaroon na ng briefing ang kasalukuyang Acting Secretary ng DOH si Dr. Janette Loreto Garin ukol sa Ebola Virus at saka si Dr. Lyndon Lee Suy. Inilatag nila ang mga datos kaugnay sa nasabing sakit at ang ating mga inisyatiba upang agapan ito. Bukod sa briefing, mayron na ring information campaign ang DOH ukol dito. Naway naliwanagan nito ang marami nating mga kababayan. Kung meron man kayong mga katanungan, bukas po lagi ang tanggapan ng ahensya, upang bigyan kayo ng kaukulang sagot. Ang atin pong panawagan: Huwag nating pairalin ang takot o pangamba dahil sa kawalan o kakulangan ng kaalaman.
Gaya po ng lagi, sa pagtutulungan at sama sama nating pagkilos, mas mapapadali at mas magiging epektibo ang katuparan ng ating mga kolektibong layunin. Patuloy naman pong aarugain at papangalagaan ng estado ang Pilipino nasaan man siyang panig ng mundo tungo sa pagtataguyod ng ligtas at masiglang bukas para sa ating bansa.
Para manigurado lang po, kanina nung pinakita yung screening procedures natin, hindi lang po yung mga camera, hindi lang po yung personnel, pero pati na rin yung mga dokumentong ipapakita sa atin tulad ng mga pasaporte titignan at sisiyasatin kung gumawi kayo dun sa tatlong bansang nabanggit, or tumira kayo dun para nga masigurado na yung lahat na may tsansa maski maliit na baka na-expose ay hind maging potensyal na magdudulot ng problema sa ating bansa. At hindi pa ho tapos yung mga pag-aayos natin nung proseso, pahihigpitin pa natin nang pahihigpitin yan para masegurado nga ho na hindi tayo magkakaroon nitong mga sakit na pag hindi naagapan kaagad ay talagang malaki ang konsekwensya.
So, maraming salamat po sa inyong lahat. (applause)
* * *
Dostları ilə paylaş: |