Sila ang mga sundalong mula sa puwersa ng National Capital Regional Command na tinipon sa general headquarters ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo kahapon bilang paghahanda ng seguridad para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na inaasahang dadagsain ng mga rallyista. (Jhay Jalbuna)
Gumuho ang mga pangarap ng mga magulang sa kanilang supling makaraang magtapos sa malagim na kamatayan ang inaasam sanang magandang kinabukasan para sa kanilang anak nang ito ay matagpuang nakatambak sa bakanteng lote at pinaniniwalaang nakaranas ng matinding pahirap sa sinalihang fraternity kung saan nadiskubreng nakahubo at tadtad pa ng pasa ang biktima sa lungsod ng Quezon kamakalawa ng hapon.
Nangangamoy at naagnas na ang mukha nang matagpuan sa kalunus-lunos na kalagayan ang biktimang kinilalang si Analyn Jumadio, 13-anyos, at huling nakatira sa #20 Aguinaldo St., Barangay Sta. Lucia, Quezon City.
Base sa paunang pagsisiyasat ni PO1 Hermoneges Capili ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), alas-4:30 ng hapon kamakalawa nang madiskubre ang agnas na bangkay na ayon sa unang deskripsyon ay maganda, mataas at maputing dalaga sa bakanteng lote na matatagpuan sa kanto ng Legal St., at Belen St., Barangay Gulod, ng naturang lungsod.
Ayon sa nakadiskubre sa bangkay na si Paola Medrano, dudumi umano sana siya sa nasabing bakanteng lote nang makaamoy siya ng masangsang na amoy sa madamong lugar.
“Nang maamoy ‘yung mabahong amoy ay pinuntahan umano ng bata ‘yung pinanggagalingan at doon nga sa madamong lugar nakita niya ‘yung bangkay. Bale isinaksak pa nga sa parang hinukay na lupa ‘yung dalagita,” pahayag ni P01 Capili na siyang nag-imbestiga sa pangyayari.
Nabatid pa na inakala ng nakatuklas sa bangkay na baboy o hayop lamang na namatay ang bangkay pero laking gulat umano nito nang usisain nang husto at tao ang bumulaga sa kanya.
“Wala na ‘yung mukha naagnas na at grabe na ang laki ng butas ng likod dahil inuuod na siya, mga 5’8 ang taas ng biktima at maputi,” pagpapatuloy ni P01 Capili.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumutang ang ina ng biktima sa presinto na nakilalang si Aling Josephine, at umaming tatlong linggo na nang huling umalis sa kanilang bahay ang dalagita at nabalitaan nito na may sinalihan siyang isang fraternity.
“Hindi malaman kung anong fraternity ang sinamahan ng dalagita, pero tingin namin biktima ng hazing at rape dahil mapapansin mo na puno ng pasa ang likod at hita niya, at hubo’t hubad nang madiskubre,” pagtatapos ni P01 Capili.
DOH pinagdo-double time na sa H1N1
Ni Bernard Taguinod
Habang dinidinig ng bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang problema sa Influenza A(H1N1), pinayuhan ni Parañaque Rep. Roilo Golez si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na mag-double time para ibaba ang ranking ng Pilipinas sa nasabing virus.
Ayon kay Golez, hindi dapat maging kampante si Duque sa kalagayan ng bansa sa H1N1 kung saan ika-8 na ang Pilipinas sa may pinakamaraming nahawahan ng virus.
“Lumampas na ‘yung unang projections ko. Sabi ko 1,000 before the end of June. Sumobra pa. Ngayon mararating natin 5,000 before Saturday. Kaila-ngang mag-double time si Secretary Duque,” pahayag ni Golez.
Sinabi ng kongresista na hindi makakabuti sa bansa ang balita sa buong mundo na ika-8 na ang Pilipinas sa may pinakamaraming H1N1 victim kaya dapat aniyang masugpo sa lalong madaling panahon.
Base sa ulat ng World Health Organization (WHO), umaabot na sa 90,000 ang nagkaroon ng H1N1 virus sa buong mundo kung saan 382 na ang namamatay kasama na ang isang Filipino na empleyado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa katunayan, nau-ngusan na ng Pilipinas na may 1,709 kaso at isa ang namatay, ang Argentina na nakapagtala ng 1,587 kaso at 26 ang patay habang 1,446 kaso naman sa Japan ngunit walang namatay.
Patuloy pa rin na na-ngunguna ang Estados Unidos na may 33,902 cases at 179 patay sa listahan ng WHO. Sumunod ang Mexico (10,262 cases, 119 death), Canada (7,983 cases, 25 death), United Kingdom (7,447 cases, 3 death), Chile (7,376 cases, 14 death), Australia (4,568 cases, 9 death) at China (1,814 cases ngunit walang patay).
Hindi na umano dapat paabutin ni Duque sa 5,000 ang kaso ng H1N1 sa bansa at dagdagan pa ang bilang ng namatay kaya kaila-ngang gumawa na ang DOH ng paraan upang masugpo ang virus.
Samantala, pinag-uusapan na sa bicameral conference meeting kung papaano sasaklolohan ang departamento ni Duque para malutas ang problemang ito sa lalong mada-ling panahon.
Nakahanda umano ang Kongreso na magbigay ng ayudang pampinansiyal kung kinakailangan.
P.5 B “suhol” ‘di inungkat ng Comelec
(Jun Tadios)
Inisnab ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang ibinunyag na umano’y P500 milyong suhol na hinihingi ng Total Information Management Corp. (TIM) sa ka-joint venture na Smartmatic International para ipaubaya ang full control sa automation project sa 2010 elections.
Sa hiwalay na panayam kay Comelec spokesman James Jimenez, hindi na umano naungkat sa special session ang kontrobersya sa umano’y kalahating bilyong piso na dahilan ng pagtatampo ng TIM.
Ani Jimenez, kapwa tumanggi ang TIM at Smartmatic sa ibinunyag ni Makati City Rep. Teo-doro Locsin Jr. kaya hindi na nag-aksaya ang en banc na magpatawag ng imbestigasyon para hubaran ang kontrobersya.
Magugunita na lumutang ang balita na hindi umano pinagbigyan ng foreign firm na Smartmatic ang hirit na P500 milyon ng Filipino firm na TIM kaya nagtampo ang huli at nagbantang kakalas sa kontrata.
Nagkaroon ng lamat ang tambalan ng joint venture dahil ayaw magbigay-daan ang isa’t isa kung sino ang aako sa mas malaking bahagi ng kontrata.
Sa panuntunan ng Special Bids and Awards Committee (SBAC), kailangang ibigay ang pagkumander sa 60% ng kontrata sa Filipino-based company, habang 40% lamang ang pinapayagan na akuin ng foreign firm.
Sa kaso ng nanalong joint venture, ang foreign firm na Smartmatic International ang magsusuplay ng precinct count optical scan (PCOS) machines dahil sila ang may expertise sa information technology.
Dahil 40% lamang ng proyekto ang panga-ngasiwaan ng Smartmatic, nagdududa ang ilang kongresista at IT specialist na baka mabangkarote ang automation gayong wala namang background sa teknolohiya ang TIM na mangangasiwa sa 60% ng automation project.
Hindi sinagot ng Co-melec kung ano ang kasunduan ng joint venture sa kanilang incorporation paper -- lalo na ang tanong kung sino sa dalawang kumpanya ang mayroong full control sa halalan.
Ayon kay Jimenez, ipauubaya na lamang nila ang bagay na ito sa dalawang kumpanya.
Aniya, hindi na saklaw ng kanilang awtoridad na pakialaman ang kasunduan ng joint venture dahil nakatuon ang kanilang res-ponsibilidad sa proseso at aplikasyon ng automation project.
Noli, Delos Angeles bubusisiin sa housing project
(Boyet Jadulco)
Nakatakdang imbestigahan ng Senado sa darating na Lunes ang kontrobersyal na housing project nina Vice President Noli de Castro at Sto. Domingo, Albay Mayor Celso delos Angeles noong 2004 na siyang pinagdudusahan ngayon ng libu-libong beneficiary ng proyekto.
Ipinatawag ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga opisyal ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) upang magpaliwanag sa kontrobersyal nilang proyekto noong 2004 kung saan “tinaga” umano nila ang mga homeowners.
Isinakatuparan ni Delos Angeles ang nasabing proyekto noong presidente pa siya ng NHMFC matapos ipasok doon ni De Castro bilang housing czar ng gobyerno.
Hindi pa mabatid ni Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Senate committee on urban, planning, housing and resettlement at co-chair ng inquiry, kung ipapatawag nila si De Castro.
“Si Sen. (Richard) Gordon ang magde-decide niyan, siya ang chairman ng blue ribbon, secon-dary lang ang komite ko,” paliwanag ni Biazon.
Nauna rito ay naghain ng resolusyon si Sen. Francis Escudero upang imbestigahan ang umano’y anomalya sa naturang housing project.
Sa resolusyon ni Escudero, noong 2004 ay isinubasta ng NHMFC na pinamumunuan pa ni Delos Angeles ang 53,000 delinquent housing loans sa Deutsch Bank Real Estate Global Opportunities (Global). Ang Global ay pumasok naman sa joint venture agreement sa Balikatan Housing Finance Inc. kung kaya’t mas lalong tumaas ang interest rates at downpayment ng housing loan restructuring scheme.
Metro Manila lalong iingay habang papalapit ang SONA
(Bernard Taguinod)
Magpapatuloy ang mga noise barrage ng mga anti-Constituent Assembly (Con-Ass) group at lalong iingay ang Metro Manila sa mga susunod na araw habang papalapit ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang ipinahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño upang iparamdam umano sa Malacañang na hindi nagpapahinga ang mga anti-Con-Ass group sa kanilang isinasagawang kampanya laban sa Charter Change..
Ani Casiño, marami pang mga nakaprogramang noise barrage na isasagawa sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila gaya ng huling ginawa nila sa Welcome Rotonda sa Quezon City kamakalawa.
“Marami pang noise barrage. Sign ito na hindi kami tumitigil sa pag-iingay kontra ChaCha. Ipapakita natin sa kanila (administrasyon) na kahit walang rally, nakabantay pa rin kami sa kanila,” ayon sa mambabatas.
Paraan umano ito ng mga militanteng grupo para iparating sa Malacañang na hindi nagpapa-hinga ang kampanya laban sa ChaCha na itinutulak ng mga administration congressmen sa pamamagitan ng Con-Ass.
“Baka kasi isipin nila na nagsawa na tayo sa kampanya kontra sa Con-Ass nila. Hindi! Hindi kami titigil hangga’t hindi inuutusan ni Mrs. Arroyo ang kanyang mga kaalyadong kongresista na itigil na ang ChaCha,” ani Casiño.
Singilan sa voice call pinababago rin
(Bernard Taguinod)
Matapos palawigin ang expiration date ng mga prepaid load, nais naman ng Kongreso na isunod ng National Telecommunications Commission (NTC) na gawan ng paraan ang voice call sa mga cellphone na marami ring problema.
Gayunpaman, nais ni House Speaker Prospero Nograles Jr. na iboluntaryo ng mga telecommunication companies na baguhin ang sistema sa singilan sa voice calls upang maserbisyuhan nang maayos ang kanilang mga customer.
Ayon kay Nograles, bukod sa mga drop calls na sinisingil ng mga telcos, bawat minuto ang sistema ng singilan sa mga voice calls na dapat umanong baguhin sa lalong mada-ling panahon.
Naniniwala si Nograles na kaya ng mga telcos na gawing regular na lamang ang bayaran sa mga tawag sa mobile phones tulad ng sistemang ipinapatupad ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) partikular na ang bagong “Call All Landline” service nito.
Kapag nagawa umano ito ng mga telcos, hindi na mabibigatan ang mga subs-cribers hindi tulad ngayon na bawat minuto’y singilan sa pagtawag sa mga mobile phone kaya pinakikilos nito ang NTC na pag-aralan ang sistemang ito.
Pia at Maxene Magalona nagdemanda vs PA
(Noel Abuel)
Ipinagharap ng dalawang magkahiwalay na kaso ng actress na si Maxene Magalona at ina nitong si Pia Arroyo-Magalona ang dating personal assistant ng batang aktres.
Kasong fraud ang isinampa ng mag-inang Magalona sa Quezon City Regional Trial Court branch 219, laban sa akusadong si Edna Padiernos.
Sa impormasyong inihanda ni Assistant City Prosecutor Rodrigo Del Rosario, sinabi nito na noong Hunyo 23, 2009 humingi si Padiernos kay Pia ng P30,000 dahil gagamitin sa namatay na ina nito.
Sa hiwalay na kaso naman na isinampa sa QC Metropolitan Trial Court, ni Maxene inakusahan nito si Padiernos na dinaya ang kanyang pirma para ma-encash ang tseke na nagkakahalaga ng P40,000.
Sa pahayag ng aktres, natuklasan nito na ang isa sa kanyang tseke ay nawawala at nalaman na pinapalitan umano ito ni Padiernos.
Kaagad na ipinaalam ng mag-ina ang insidente sa pulisya at isinagawa ang isang entrapment operation kung saan nahuli si Padiernos nang tanggapin ang halagang P30,000 na marked money.
Sinasabing sa interogasyon ay inamin umano ni Padiernos ang pamemeke ng pirma ng aktres.
Magkaibigan kinursunada, pinagbabaril
(Eralyn Prado)
Matapos makursunadahan, pinagbabaril na lamang ng apat na kalalakihan ang dalawang magkaibigan kahapon ng madaling-araw sa Barangay Rizal, Makati City.
Ang mga biktimang kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Makati sanhi ng tinamong tama ng baril ay nakilalang sina Bobby Quilang y Lipang, 18-anyos, binata ng Bravo 246 Lima 3 Neptune St., Bgy. Pembo, Makati at Jopel Namoca y Cala, 16-anyos ng Bravo 248 Lima 3 Venus St., Bgy. Pembo, Makati.
Sa imbestigasyon ni PO3 Sherwin Padua, lumitaw na dakong ala-1:30 kahapon ng madaling-araw habang pababa ng kanilang sinakyang tricycle ang mga biktima sa may kahabaan ng Maya St., Barangay Rizal nang lapitan na lamang ang mga ito ng apat na suspek na armado ng hindi malamang kalibre ng baril at basta na lamang pinagbabaril ang mga biktima.
Pinaniniwalaang nakursunadahan lamang umano ng mga suspek ang magkaibigang biktima.
Sa kanang kamay tinamaan ang biktimang si Quilang habang sa dibdib naman tinamaan si Namoca.
Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang mandurugas nang magising ang nilalaslasan nitong binata sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong theft na kinilalang si Victorino Andrada, 23, residente ng Carina Homes, Bagumbong, Caloocan City.
Samantala, nabawi naman ang Nokia 5320 at P550 cash ng biktima na nakilalang si Nelson Cabagui, 33, call center agent, residente ng Marulas ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng Station Investigation Division ng Valenzuela-PNP, dakong ala-1:20 ng umaga nang maganap ang insidente habang kasakay ng biktima ang suspek sa isang pampasaherong jeep na binabagtas ang kahabaan ng MacArthur Highway, Karuhatan ng nabanggit din na lungsod.
Ayon kay Cabagui, nakatulog umano ito sa jeep at nang magising ay napansin nito na laslas na ang kanyang bulsa sa pantalon kung saan agad na pumara ang suspek at nagmamadaling bumaba.
Dahil dito, nagsisigaw ang biktima na nakatawag pansin sa ilang tambay na naging dahilan upang habulin ang papatakas na suspek at nang maabutan ay pinagtulungang dambahin.
Kaugnay nito, na-recover mula sa suspek ang pera at cellphone ni Cabagui kaya binitbit na ito papuntang presinto at sinampahan ng nasabing kaso.
Wala nang buhay ng matagpuang nakaupo ang isang 48-anyos na helper na pinaniniwalaang namatay dahil sa kanser sa bituka sa Quiapo, Maynila kahapon.
Kinilala ang biktima na si Marlon Page Magoncia, helper at stay-in sa Arcade Building na matatagpuan sa 715 P. Paterno Street, Quiapo, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO1 Gerry Amores ng Manila Police District Homicide Section, alas-tres nang hapon ng madiskubre ang biktima ni Fred Ogana, kasamahan sa trabaho sa nabanggit na lugar.
Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-12:00 ng tanghali sa loob ng naturang lugar na nakaupo pa, ngunit nang lapitan ito ni Ogana ay natuklasan nitong wala ng buhay ang katrabaho dahilan upang ipagbigay-alam sa awtoridad ang pangyayari.
Sa salaysay ng katrabaho ng biktima, matagal na umanong nakikipaglaban sa sakit na kanser sa bituka ang nasawi.
Bagama’t, walang nakitang sugat o palatandaan na bakas na pinahirapan ang biktima, inaalam pa rin ng awtoridad kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.
Curfew sa Maynila, 55 dinampot
(Aries Cano)
Pinagdadampot ng mga alagad ng Manila Police District at Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang 55 kabataan at menor de edad matapos ipatupad ni Manila Mayor Alfredo Lim ang curfew hours sa lungsod kamakalawa.
Kinumpirma ni MDSW chief Jay Dela Fuente na tuluy-tuloy na ang kanilang gagawing operasyon laban sa mga kabataang pagalagala sa dis-oras ng gabi upang mabigyan din ang mga ito ng seguridad laban sa iba pang uri ng kriminalidad.
Binaybay naman ng mga tauhan ni MPD-Station 1 Commander Sr. Supt. Roderick Mariano ang mga kalye sa Gagalangin, Tondo, Maynila kung saan nagresulta ng pagkakadampot sa may 55 kabataan dakong alas-10:00 ng gabi Huwebes.
Binigyang-diin nina dela Fuente at Mariano na hindi umano nila paliligtasin ang mga menor na kanilang matitiyempuhan sa mga lansangan at maging ang mga nasa computer shop kung lagpas na sa mga curfew hours.
Kailangan umano, bago sumapit ang alas-10:00 ng gabi ay nakauwi na sila sa kanilang mga bahay kaya’t kapag kanilang natiyempuhan ang mga ito ay kanila itong babagansiyahin.
Bukod sa nakatatanggap ng death threats sa mga telepono sa opisina at cellular phones, may mga sasakyan umanong umaaligid sa bahay ng isa sa itinurong suspek sa pagpatay kay Ruby Rose Jimenez, na may-ari ng BSJ Fishing Corporation na si Lope Jimenez.
Ayon kay ex-Marine Sgt. Rudy Tabucol, namamahala sa seguridad ni Jimenez, may mga kotseng umaaligid sa bahay ng kanyang amo sa 113 Vouganvilla St., sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City araw-araw mula nang isangkot ng testigo sa Ruby Rose murder na si Manuel Montero, ang dati nitong amo sa krimen.
Ini-report na rin ni Tabucol sa seguridad ng Ayala Alabang Village Association ang mga umaaligid na sasakyan gayundin ang mga kotseng laging sumusunod kay Jimenez hanggang sa Ayala Alabang Country Club tulad ng kulay gold na Toyota Fortuner at kulay itim na Isuzu SUV.
US$500M hinihinging danyos ng mag-asawa sa US gov’t.
(Aries Cano)
Sinampahan ng kaukulang kaso ng mag-asawang Pinoy ang United States Immigration dahil sa pagpapa-deport sa kanila.
Ayon sa mag-asawang Carlo Sison at Amelyn Banares-Sison, nagkahirap-hirap ang kanilang buhay dahil sa pagkakamaling ginawa ng US government nang ipa-deport sila noong taong 2005.
Humihingi ng kalahating milyong dolyar ang mag-asawa sa gobyerno ng US bilang danyos sa kanilang sinapit.
Giit ng mag-asawa, hindi sapat ang paghihirap na hatid ng maling deportasyong kanilang sinapit sa gobyerno ng US.
Paliwanag ng mag-asawa, sa batas o immigration law ng US, kapag may nakabinbing kaso kahit gaano katagal at hindi pa ito nareresolba, hindi ka puwedeng ipa- deport. Subalit sa kaso ng mag-asawa ay pina-deport sila gayung inaprubahan ang inihain umano nilang mosyon.